Nagbabanta ang aninong mapanlinlang, bitbit ang pangakong ginintuan.

Sumilip ang dahas, dumanak ang dugo. Kumapit sa kapangyarihan ang pinuno.

Bumaha ng pag-aaklas sa kalye

Sa klase

Sa pagawaan

Sumabog ang plaza, pagdakip, at kuwento

Pamahalaan sa kamay ng sundalo

Tinawag na payapa ang katahimikan

Dahil disiplina daw ang kailangan

Daan-daan ang pinaslang

Bilyon-bilyon ang inutang

Nagpakasasa sa yaman ng bayan

Kahit magsasaka ay ninakawan

Mga ibong ikinulong ay pumiglas

Pagnasang makaalpas

Kaliwa’t kanang paghihimagsik

Hanggang diktador ay mapatalsik

Huwag nating kakalimutan

Hindi pa tapos ang laban.


Tula ni Ergoe Tinio




To commemorate 50 years since the declaration of Martial Law, this exhibition presents symbols, icons, and events surrounding the Marcos dictatorship. 19 pieces that chronicles the rise, fall, and return of the Marcos family’s control over our country. The soft watercolor paintings hides in plain sight tiny details of our Philippine history before, during, and after Martial Law.

This exhibition is an extension to a children’s book slated to be released within the year , carrying the publication title- “Hanapin ang Sagot,” (Find the Answer) hopes to pique children’s natural curiosity through poetry, reflections, trivia, and activities about this dark period in our history.

As a non-profit that works with the creative community to promote literacy and explore national identity, CANVAS publishes its award-winning children's stories and donates their books to benefit children in public schools and poor communities throughout the Philippines. Its “One Million Books for One Million Filipino Children Campaign” promotes independent reading and creative thinking in Filipino children, while also exposing them to the best of contemporary Filipino art and literature.

Aninong mapanlinlang, pangakong ginintuan

Bukas-palad na pinakinggan ng mga mamamayan si Ferdinand Marcos bilang kandidato sa pagkapangulo. Magiting daw siyang sundalo, nagkamit ng maraming medalya, at iaahon ang bansa mula sa kahirapan.

Sa ngalan ng pinuno

Bago matapos ang unang termino ni Ferdinand Marcos bilang pangulo, sumabog ang balita tungkol sa Oplan Merdeka at Jabidah Massacre. Ayon sa isang nakaligtas, nilinlang at ginutom ang mga rekrut na dinala sa Corregidor Island mula Mindanao para lusubin ang Sabah. Halos 30 ang sinasabing pinaslang ng militar. Marami pa ang hindi natagpuan.

Tayo ang bagyo

Maligalig ang unang tatlong buwan ng 1970. Bumaha ng mga protestang dinaluhan ng libo-libong mamamayang dismayado sa pamahalaan. Tinutulan nila ang pagpapadala ng mga sundalong Pilipino para tulungan ang Amerika sa gera sa Vietnam, ang marangyang pamumuhay ng mga Marcos sa gitna ng malawak na kahirapan, ang marahas at madugong panunupil ng mga karapatang pantao.

Tuloy ang klase

Laksa-laksa ang mga mag-aaral na namuno at lumahok sa mga protesta. Giniba nila ang mga pader ng pagkatuto, at dinala sa kalye ang kanilang edukasyon para aralin ang lipunan at kumilos para baguhin ito.

Sa Diliman Commune noong 1971, mahigit isang linggong nagbarikada ang mga estudyante ng UP Diliman—pakikiisa sa mga tsuper na nagwewelga laban sa pagtaas ng presyo ng gasolina.

May kuwento ang hari

Isinisi ng gobyerno sa mga komunista ang pagbomba sa Plaza Miranda at ang palabas na asasinasyon kay Juan Ponce Enrile. Binansagang rebelde ang mga nagpapahayag ng puna sa gobyerno.

Para daw sa kapayapaan, tuwirang tinanggal ang karapatan na humarap sa korte ang mga inaaresto. Para daw sa kaligtasan, dineklara ang Batas Militar.

Lason

Iligtas ang Republika. Buuin ang bagong lipunan. Ito ang sinabing layunin ni Ferdinand Marcos nang ideklara niya ang Batas Militar.

Mahigpit ang naging hawak ng armadong puwersa ng gobyerno sa bayan. Sa ulat ng Amnesty International, tinatayang 70000 ang ikinulong, 34000 ang biktima ng torture, at 3,240 ang pinaslang ng diktadura ni Marcos.

Tahimik ang mga sigaw

Ang unang utos ng Batas Militar: kamkamin ang mga estasyong pangradyo at pangtelebisyon. Subersibo daw ang mga nagbabalita ng pagkukulang ng gobyerno at nagpapalakas sa kilusang komunista.

Habang puwersahang pinapakain ng maka-Marcos na balita ang bayan, binubusalan ang mga nagpapahayag ng katotohanan.

Kinsenas, katapusan

Nang ideklara ang Batas Militar, ipinagbawal ang mga welga at anumang anyo ng protesta. Mga manggagawa ang unang pumiglas sa kadenang ito. Matapos mabalewala sa mga negosasyon, lima  hanggang walong daang manggagawa ng La Tondeña ang nagwelga laban sa ipinapatupad na kontraktuwalisasyon.

Nakiisa sa kanila ang mga simbahan, paaralan, at nakapaligid na pamayanan. Dumagundong ang sigaw ng “Tama na! Sobra na! Welga na!” Hindi magtatagal, magbabago ang sigaw: “Tama na! Sobra na! Palitan na!”

Busal

1977, nagsasalita si Imee Marcos sa isang forum. Tinanong siya ni Archimedes Trajano, estudyante ng Mapua: Bakit siya ginawang National Chairman ng Kabataang Barangay? Tatlong araw ang lilipas, matatagpuang bugbog-sarado ang bangkay ni Archimedes Trajano.

May koleksyon ng mga paruparo at tutubi si Luis “Boyet” Mijares. Sa librong The Conjugal Dictatorship, ibinulgar ng tatay niya ang pagmamalabis ng pamilya at pamahalaang Marcos. Nawala si Boyet. Matapos ang apat na buwan, natagpuan ang lasog-lasog niyang katawan—tadtad ng paso at pasa, basag ang ulo, 33 beses sinaksak ng ice pick.

Silang mga naglaho

Aabot sa 2,000 ang ipinapalagay na biktima ng enforced disappearance noong panahon ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos. Lampas 3,000 naman ang bilang ng mga pinaslang.

Mag-aaral, manggagawa, magsasaka. Manunulat, mamamahayag, aktibista. Magulang, anak, kapatid, asawa.

Libo-libong lumaban sa maling sistema. Libo-libong hinahanapan pa rin ng hustisya

Lubog at limot

Tinabunan ng pamilyang Marcos ang kalansay ng kanilang mga kaaway ng mararangyang proyektong patunay daw ng pag-unlad ng bayan.

Para dito, ibinaon din ng mga Marcos ang bayan sa utang. Pag-upo ni Marcos bilang pangulo, $600 milyon ang utang ng Pilipinas. Nang mapatalsik siya, $26.7 bilyon na ito.

Sa 20 taon ni Marcos bilang pangulo, wala pang 3 milyong piso ang nakuha niyang suweldo. Naglalaro sa 300 hanggang 800 bilyong piso ang sinasabing yaman ng pamilyang Marcos.

Palimos ng sa amin

Taumbayan ang nagtanim, mga Marcos ang kumain.

Sa rehimen ni Ferdinand Marcos, umabot sa 75% ng mga Pilipino ang iniulat na naghihirap. Nangalahati ang halaga ng suweldo ng mga manggagawa habang nagtataasan ang presyo ng mga bilihin.

Samantala, umabot sa 50 ang bahay ng mga Marcos—pinapangalagaan gamit ang pondo ng gobyerno. Kalahating milyong piso ang buwanang pambaon nina Imee at Bongbong. Sa kanilang ika-24 anibersaryo, niregaluhan ni Imelda Marcos si Ferdinand ng 24 gold bars.

Abuloy sa nagtanim

Para maipamigay ng mga Marcos ang lupa sa mga kaibigan nilang negosyo, nagpatupad ng mga pekeng programang pang-agrikultura.

Dahil sa Masagana 99 at Presidential Decree 27, bumagsak ng halos 40% ang produksyon ng palay. Nabaon sa utang ang mga magsasaka dahil sa kawalan ng lupa, gastos pangpestisidyo para sa mga inimbentong binhi at inimport pang golden kuhol ni Imelda, at pagnanakaw ng mga Marcos ng PHP150 bilyon sa coco levy fund.

Nag-alsa ang mga magsasaka. Ginantihan sila ng bala: sa Sag-od, Escalante, Culatingan, Daet, Guinayangan, at marami pang ibang sakahan sa bansa.

Pagpiglas

Hangga’t may inhustisya, may mag-aalsa.

Nagsulputan ang mga pahayagan ng alternatibong balita bilang bahagi ng mosquito press, ipinangalan sa insektong nakakapikon ang ingay. Lumahok sa mga welga, protesta, at pakikibaka kahit ang mga tao ng simbahan. Sinagot ng mamamayan ang mga kaduda-dudang eleksyon ng noise barrage at walkout.Hangga’t may inhustisya, may mag-aalsa.

Nagsulputan ang mga pahayagan ng alternatibong balita bilang bahagi ng mosquito press, ipinangalan sa insektong nakakapikon ang ingay. Lumahok sa mga welga, protesta, at pakikibaka kahit ang mga tao ng simbahan. Sinagot ng mamamayan ang mga kaduda-dudang eleksyon ng noise barrage at walkout.

Sa pagnasang makaalpas

Habang ako’y pumapatay,
kayo nama’y nanonood.

— “Sanayan Lang ang Pagpatay,”
tula ni Fr. Albert Alejo, SJ

 

Walang ibang armas ang mga artista kundi makinilya, pintura, entablado, sayaw, o kanta. Gamit ang sining, isiniwalat nila ang katotohanan para magmulat, makipagkaisa, at magpakilos laban sa pananamantala.

Sa panahon ng Batas Militar, lumabas ang Kaisahan Manifesto na nagsabing ang sining ay para sa masa. Ipinuslit ni Pete Lacaba sa Prometheus Unbound ang “Marcos, Hitler, diktador, tuta.” Sinalamin ng PETA ang lipunan sa kanilang mga dula, nina Brocka at Bernal sa mga pelikula.

Dagundong

Kung tamang tawaging mitsa ang pagkakapaslang kay Ninoy o ang dayaan sa 1986 snap elections, masasabing nagsilbing panggatong ang nararanasang paghihirap, pang-aabuso, at karahasan ng taumbayan. Kasabay ng galit, naipon rin ang lakas ng masang inapi.

Dumagsa sila sa EDSA, Pebrero 1986, sa isang mapayapang protestang ibinunga ng di-mabibilang na nagbuwis ng buhay para sa rebolusyon. Patunay ng kapangyarihan ng taumbayan ang matagumpay na pagpapatalsik sa pamilyang Marcos noong 1986.

Sa wakas

May kasabihan: kapag puno na ang salop, ito ay kinakalos. Matapos ang dalawang dekadang nakalingkis si Ferdinand Marcos sa kapangyarihan, tumambad sa masa ang kasakimang hindi na nagkasya sa maleta ng tumakas na pamilya.

Naiwan sa Malacañang ang 3,000 pares ng sapatos, mga resibo ng luhong umabot ng $3 milyon isang araw, kaha de yero ng mga perlas na panregaldo ni Imelda sa mga kaibigan.

Kinupkop ng Amerika ang mga Marcos, kasama ang bitbit nilang pera, alahas, at iba pang bagay na nagkakahalagang 400 milyong piso.

Ritwal sa pagbabalik

Ngayon.

Inaatake ang mga espasyo ng katotohanan. Binabansagang rebelde ang naglalakas-loob pumuna sa pamahalaan. Sinisilaw ang mamamayang nabubulag sa mapanlinlang na balita. Binubura ang madilim na nakaraan at tinatabunan ng marangyang kasinungalingan.

Umuulit ang kasaysayan.

Hindi pa tapos ang laban