
si apo laban sa ungga-ungga
Isinulat ni
DARYL Q. PASION
Inilarawan ni
ROBERT LANGENEGGER
“Kinukuha ng aswang ang batang ayaw matulog sa tanghali!”
Ito ang laging panakot sa akin ni Apo sa tuwing mahuhuli niya akong gising sa tanghali. Ang hindi niya alam, sinasadya kong magpahuli para kuwentuhan niya ako ng mga nakakatakot.
Malaki ang mga mata ni Apo, itim ang labi, mahahaba ang kulubot na daliri, at itim na itim ang maalon na buhok. Minsan iniisip ko, aswang din ba si Apo? Madalas ay tinititigan ko ang mga mata niya habang nagkukuwento at hinihintay na magkulay dugo. Pero lagi akong bigo.
——— 000 ———
“The aswang takes children who won’t nap in the afternoon!”
This was how Apo scared me each time he caught me awake in
the afternoon. Little did he know that I always let myself get caught because I wanted him to tell me scary stories.
Apo’s eyes were huge, his lips dark, his fingers long and wrinkled, his wavy hair a deep black. Sometimes I thought, was Apo an aswang too? I often stared into his eyes while he told me stories and waited for them to turn blood red. But I was always disappointed.
Isang araw, nahuli ako ni Apo na gising, hindi dahil
sa gusto kong magpakuwento noong tanghaling iyon. Nakita niya akong nakahiga sa aming papag at umiiyak.
“Napano ka?” tanong ni Apo.
“Nawawala po ang laruan ko! Itinago po ni kuya!” “Sigurado ka ba diyan?”
“Hindi po. Basta ang alam ko, siya lang ang gagawa noon!”
——— 000 ———
One day, Apo caught me awake, but not because I wanted a story that afternoon. He saw me on our bed crying.
“What happened?” Apo asked.
“My toy is missing! Kuya took it!”
“Are you sure?”
“No. But I know he’s the only one who would do that!”
“Alam mo bang masama ang mambintang sa kapwa? Ang taong mapanghinala ay pinamamahayan ng galit. Halika, kukuwentuhan kita nang tumahan ka.”
Nagsimulang magkuwento si Apo at noon ko natuklasang matagal nang alam ni Apo na paborito ko ang mga kababalaghan.
——— 000 ———
“You know, it’s bad to accuse others. Suspicious people are full of hate. Come here, I will tell you a story so you can stop crying.”
Apo began telling me a story and that was when I discovered that Apo knew scary stories were my favorite.
Sabi ni Apo, noong unang panahon, hindi puso ang tahanan ng damdamin, kundi atay. Ito ang dahilan kung bakit atay ng tao ang paboritong pagkain ng mga aswang tulad ng ungga-ungga. Kinakain nito ang pinagmumulan ng damdamin ng tao dahil gusto nitong maging katulad nila.
——— 000 ———
Apo said, once upon a time, feelings were not contained in the heart, but in the liver. This was why livers were the favorite food of aswang such as the ungga-ungga. It ate what gave people feelings because it wanted to be like them.
“Payapa ang buhay noon. Pero nagbago ito nang may napabalitang ungga-ungga sa baryo,” sabi ni Apo.
Nagbabagong-anyo ang ungga-ungga pagsapit ng dilim.
Humihiwalay ang ulo nila sa katawan at lumilipad para humanap ng makakain. Nakalaylay galing leeg ang bituka at mga lamang-loob. Umiikot ang bituka nang mabilis para makalipad.
——— 000 ———
“Life was peaceful then. But everything changed when news reached the barrio about an ungga-ungga,” Apo said. The ungga-ungga would transform at nightfall. Its head would separate from its body, flying to look for food.
Its intestines and organs hung down from the neck, with the intestines spinning rapidly to speed up its flight.
Sa araw, anyong-tao raw ito at nakikihalubilo sa mga tao.
Mahaba at maitim ang buhok nito tulad ng kay Apo.
Ito ang kapangyarihan nila. Ibinabalot nila ang buhok nila sa mukha ng biktima hanggang mawalan ng buhay.
Dahil sa kakaibang hitsura ni Apo, pinaghinalaan siya ng taumbaryo. Siya raw ang ungga-ungga! Kaya nagsabit sila ng mga bawang sa mga bintana nila para itaboy si Apo.
——— 000 ———
In the day, it would take the form of a person and live among the people.
It had long black hair just like Apo did. This was its power.
It would wrap its hair around its victim’s face until the victim stopped breathing.
Because of how different Apo looked, the townspeople grew suspicious of him. They said he was the ungga-ungga!
So they hung garlic by their windows to drive Apo away.
Para patunayang mali sila, nagkuwintas si Apo ng mga bawang. Kahit masakit sa ilong, suot niya iyon saan man siya magpunta— sa ilog para maglaba, sa bakuran para magbayo ng palay.
——— 000 ———
To prove them wrong, Apo began wearing a necklace of garlic. Though it stung his nose, he wore it wherever he went—to the river when he washed clothes, in the yard to pound rice.
Pero walang naniwala.
“Wag tayong palilinlang, mga kasama! Gusto lang niyang mapaniwala tayo na hindi siya ang ungga-ungga!” sigaw ng isang lalaki.
“Tama!” sagot ng taumbaryo.
——— 000 ———
But no one believed him.
“Let us not be deceived, fellows! He just wants to convince us that he is not the ungga-ungga!” shouted one man.
“That’s right!” answered the townspeople.
Lalong tumindi ang galit nila kay Apo nang bumungad sa kanila kinaumagahan ang mga nangamatay nilang baboy.
“Ungga-ungga lang ang kayang gumawa nito!”
“Hulihin natin siya at itali nang hindi na makapanakit pa!”
——— 000 ———
Their hatred towards Apo only grew the next morning, when they found their pigs lying dead.
“Only the ungga-ungga can do this!”
“Let us capture and restrain him so he can do no more harm!”
“Magkakaalaman na!” sabi ng mga tao habang nagkakabit ng baligtad na walis- tingting sa mga pintuan.
——— 000 ———
“Now we’ll know!” the townspeople said as they hung upside-down brooms above their doorways.
Kinalampag ng taumbaryo ang kubo ni Apo. Pero hindi lumabas si Apo at nagkulong na lang sa loob ng kubo.
Galit na galit ang mga tao! Sinira nila ang mga kawayang tanim ni Apo.
——— 000 ———
The townspeople banged their fists on the door of Apo’s kubo. But Apo didn’t answer and locked himself inside.
The townspeople got so mad at him! They destroyed the bamboo Apo planted around his yard.
Isang gabi, para wakasan ang mga pagdududa, naglakas-loob si Apo na hanapin ang ungga-ungga. Natagpuan niya ito malapit sa ilog, nabuhol-buhol ang buhok sa mga naroong kawayan.
“IK-IK-IK! siGE PA! MAGTANIM PA KAYO NG GALIT!
PAG MAS GALIT, LALONG PUMAPAIT ANG INYONG MGA ATAY! YAN ANG HANAP KO, MAS MAPAIT, MAS MALINAMNAM!
IK-IK-IK!”
——— 000 ———
One night, to end the people’s distrust, Apo summoned the courage to go looking for the ungga-ungga. He found it by the river, its hair tangled among the bamboo trees.
“IK-IK-IK! KEEP AT IT! LET THAT HATE FESTER! THE MORE YOU HATE, THE MORE YOUR LIVERS GET BITTER! THAT’S WHAT I’M AFTER, THE MOST BITTER LIVERS TASTE THE BEST! IK-IK-IK!”
Laking gulat ni Apo sa kanyang narinig. Laking gulat din niya nang biglang magsulputan ang mga taumbaryo mula sa kanyang likuran.
“Tama ang hinala natin! Lumalabas kapag hatinggabi ang ungga-ungga!”
“Nagkakamali kayo! Hindi ako ang ungga-ungga!”
“Hulihin siya!”
——— 000 ———
Apo was surprised by what he heard. He was even more surprised when the townspeople appeared behind him.
“We were right! The ungga-ungga does appear at midnight!”
“You’re mistaken! I am not the ungga-ungga!”
“Get him!”
Nagkakagulo ang taumbaryo nang biglang lumitaw sa kalagitnaan nila ang isang lumulutang na ulo.
Lalong napuno ng galit ang mga tao dahil sa takot. Kailangang mapahinahon sila ni Apo.
“Sabi sa inyo, hindi ako ang ungga-ungga e,” sabi niya habang dahan-dahang tumatayo.
“Hayaan na ninyo ‘yan diyan at tulungan na lang ninyo akong ibalik ang mga pananim ko.”
——— 000 ———
The townspeople were in a rage when there appeared, right in the middle of them, a floating head. Frightened, their hearts filled with even more hate.
Apo must calm them down.
“I told you, I’m not the ungga-ungga,” he gently said, standing up slowly.
“Leave it be, and just help me get my plants back up.”
Napatigil ang mga tao sa lumanay ni Apo. Napatigil din ang ungga-ungga na biglang naglaho. Sinundan nila pabalik ng baryo si Apo, at unti-unti silang nagkapalagayan ng loob.
Nagtulong-tulong silang bunutin at buhatin ang mga kawayan para kay Apo, at bilang paalala sa lahat, palibot na rin sa baryo at sa mga kabahayan.
Mula noon, hindi na muling nagpakita ang ungga-ungga.
The townspeople took pause at Apo’s mellow tone.
The ungga-ungga took pause too then disappeared.
The people followed Apo back to their barrio, and slowly, they grew fonder of one another.
They helped heave and carry bamboo plants for Apo, and as a reminder for all, around the barrio and their homes as well.
The ungga-ungga was never heard from again.
Nakatitig lang ako kay Apo habang nagkukuwento siya. At ngayon, hindi ako nabigo. Baka dahil sa takot pero parang nakita ko ang mga mata niyang nagkulay dugo.
WAKAS.
——— 000 ———
I was staring at Apo the whole time he was telling me the story. And this time, I was not disappointed. It may have been the fear but I think I saw his eyes turn blood red.
THE END.
TUNGKOL SA MANUNULAT
Si Daryl Pasion ay guro ng wika at kultura sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Nagtapos siya ng BA Communication Arts sa UPLB at MA Linguistics sa UP Diliman.
Bukod sa pagtuturo, kumakatha siya ng mga tula. Nailathala ang mga sanaysay niya sa Youngblood ng Philippine Daily Inquirer at naitanghal ang dula niya sa Virgin Labfest ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong taong 2020.
TUNGKOL SA ILUSTRADOR
Si Robert Langenegger ay pintor na sadyang binabangga ang pag-ayon at akademikong pamamaraan.
Naging finalist siya sa Sovereign Art Prize noong 2008 at nakamit ang Thirteen Artists Award, isang prestihiyosong pagkilala ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas sa pinakamahuhusay na batang artista sa bansa, noong 2012.
Naitanghal na ang mga likha niya sa iba’t ibang art gallery sa Maynila, Hong Kong, Malaysia, Australia, Austria, France, Germany at Estados Unidos.
Nagtatrabaho siya at naninirahan sa Maynila.